MANILA, Philippines — Kumaripas ang Smokin Saturday para kunin ang one-length win sa 2019 Philippine Racing Commission’s Grand Sprint Championship noong Linggo sa MetroTurf Racing Complex sa Malvar, Batangas.
Sa paggiya ni veteran Pat R. Dilema, hinirang ang Smokin Saturday, anak ng Any Given Saturday at Smokin, bilang best sprinter sa maikling 1,200-meter race mula sa kanyang oras na 1:10.4 na may mga quartertimes ng 22, 21 at 26.
Kaagad humarurot ang Smokin Saturday paglabas ng gate at iniwanan ang mga karibal na Son Also Rises at Lakan.
“Ang instruction sa akin, diskartehan ko na lang daw dahil matulin naman ang kabayo ko,” wika ni Dilema, tinalo si jockey Jonathan B. Hernandez na sakay ng Son Also Rises. “Hayun, paglarga bandera kaagad. Hindi ko na binitawan. Mauna manalo eh. Nagpapasalamat ako nakaraos kami ng maayos.”
Nauna nang winalis ni JB Hernandez ang mga labanan sa Juvenile Colts at Fillies Stakes Races sa pamamagitan ng Union Bell at Exponential, ayon sa pagkakasunod.
Itinakbo ng Smokin Saturday ni owner Bobby Iñigo ang premyong P600,000 mula sa total guaranteed purse na P1 milyon na inilatag ng sponsoring Philracom.
Ibinigay naman ng Son Also Rises ang runner-up prize na P225,000 kay owner Benhur Abalos Jr.
Pumangatlo ang Pinagtipunan ni owner Benhur Abalos III at sinakyan ni jockey Kevin B. Abobo para sa premyong P125,000 kasunod ang Lakan na nagbulsa ng P50,000.