Dula 3 marka ang pinalubog
MANILA, Philippines — Humakot si Palarong Pambansa multi-gold medallist Marc Bryan Dula ng limang gintong medalya tampok ang tatlong bagong rekord sa 2019 Invitational Swimming Championship na ginanap sa Bosay, Antipolo City.
Nagpasiklab ang reigning Philippine Swimming League (PSL) Male Swimmer of the Year na si Dula sa 100m freestyle matapos magsumite ng isang minuto at 1.25 segundo para tabunan ang 1:03.34 na lumang marka ni Kyle Libat noong 2014.
Muling umariba ang Masville National High School standout sa 50m butterfly kung saan itinala nito ang 28.25 segundo at burahin ang 28.78 na dating rekord ni Amber Arano na naitarak kamakailan lamang.
Hindi maawat si Dula nang bumasag pa ito ng record sa 50m backstroke sa bendisyon ng 31.31 segundo – mas maganda sa old record na 32.06 ni Sean Terence Zamora noon pang 2013.
Engrandeng tinapos ni Dula ang kampanya nang angkinin nito ang dalawa pang ginto sa 50m freestyle at 50m breaststroke.
“It’s one way of improving his times through competitions like this. We want to join as many tournaments as possible to further hone his skills. And I’m happy that he broke three records in this event,” ani PSL president Alexandre Papa.
Sunod na pagtutuunan ng pansin ni Dula ang pagsabak sa National Capital Region Meet – ang huling qualifying tournament para sa 2020 Palarong Pambansa.
- Latest