MANILA, Philippines — Puntirya ni International Boxing Federation (IBF) super flyweight champion Jerwin Ancajas na maisakatuparan ang isang world-title unification bout sa susunod na taon na magiging daan para mas lalo pang maging makislap ang kanyang pangalan sa mundo ng boksing.
Bumabandera na listahan si reigning World Boxing Council (WBC) super flyweight titlist Juan Francisco Estrada na armado ng 40-3 rekord tampok ang 27 knockouts.
Galing si Estrada sa impresibong ninth-round technical knockout win laban kay Dewayne Beamon ng Amerika noong Agosto 24 para mapanatili ang kanyang WBC crown sa labang ginanap sa Hermosillo, Sonora sa Mexico.
“Gusto ko ng unification fight,” ani Ancajas.
Pasok din sa mga kandidato sina undefeated World Boxing Association (WBA) super flyweight winner Khalid Yafai (26-0, 15 KOs) at World Boxing Organization (WBO) super flyweight king Kazuto Ioka (24-2, 14 KOs).
Anim na beses nang naipagtanggol ni Yafai ang kanyang WBA crown kabilang ang kanyang huling panalo kay Norbelto Jimenez ng Dominican Republic via unanimous decision noong Hunyo 29 sa Rhode Island sa Amerika.
Sa kabilang banda, si Ioka ang tumalo kay Aston Palicte noong Hunyo via 10th-round knockout win sa Chiba, Japan para mapanalunan ang WBO belt.
Nakatakdang ipagtanggol ni Ioka ang kanyang korona laban kay Jeyvier Cintron ng Puerto Rico sa Disyembre 31 sa Ota City General Gymnasium sa Tokyo, Japan.
Kung maikakasa ang anumang laban sa mga nabanggit na kandidato, tiyak na mas malaking prize purse ang matatanggap ni Ancajas.
Galing si Ancajas sa sixth round technical knockout win kay Miguel Gonzalez ng Chile noong Disyembre 7 sa Puebla, Mexico para mapaganda ang kanyang rekord sa 32-1-2 kasama ang 22 knockouts.
Ngunit kung si international matchmaker Sean Gibbons ang tatanungin, mas nais nitong makalaban ni Ancajas si Estrada.