MANILA, Philippines — Iniutos ng World Boxing Council (WBC) na labanan ni WBC bantamweight champion French Nordine Oubaali si four-division world titlist Nonito Donaire Jr.
Wala pang eksaktong petsa ng laban.
Binigyan ng WBC ng 30 araw ang kampo nina Oubaali (MTK Global) at Donaire (Ringstar Promotions) para plantsahin ang lahat ng kailanganan para matuloy ang laban.
Maliban sa petsa ng laban, pag-uusapan din ang prize purse ng dalawang boksingero gayundin ang magiging hatian sa kikitain ng laban.
“The WBC Board of Governors has voted unanimously to appoint Nonito Donaire as the WBC mandatory contender in the bantamweight division,” ayon sa inilabas na statement ng WBC.
Galing si Donaire sa masaklap na unanimous decision loss kay Japanese fighter Naoya Inoue na siyang kasalukuyang nagmamay-ari ng International Boxing Federation at World Boxing Organization bantamweight crown.
Umaasa si Donaire na matuloy ang labang ito upang magkaroon ng pagkakataon na maibalik ang ningning sa kanyang pangalan.
Gigil si Donaire na makabalik sa porma para pagandahin ang kanyang 40-6 win-loss record.
Sa kabilang banda, matikas ang rekord ni Oubaali na may 17-0 marka tampok ang 12 knockouts.
Huling sumalang si Oubaali noong Enero nang payukuin nito si Rau’Shee Warren via unanimous decision para makuha ang WBC title.