Jumper ni Rose nagsalba sa Pistons
NEW ORLEANS -- Taglay pa rin ni star guard Derrick Rose ang kanyang bangis.
Nagsalpak si Rose ng isang 14-foot jumper sa natitirang 0.3 segundo para itakas ang Detroit Pistons laban sa Pelicans, 105-103.
Humugot si Rose ng 17 sa kanyang 21 points sa fourth quarter para banderahan ang Detroit sa paglusot kontra sa New Orleans.
Iniwanan ni Rose si Pelicans guard Jrue Holiday at isinalpak ang kanyang game-winning jumper sa huling 0.3 segundo sa fourth period.
Kumamada si Brandon Ingram ng game-high 31 points para sa Pelicans, nalasap ang ika-siyam na dikit na kamalasan, habang may 20 markers si Holiday.
Sa Milwaukee, kumolekta si superstar forward Giannis Antetokounmpo ng 32 points at 15 rebounds para akayin ang 110-101 panalo ng Milwaukee laban sa Orlando Magic.
Ito ang pang-15 sunod na pananalasa ng Bucks.
Nagdagdag si Khris Middleton ng 20 points, habang may 12 markers si Dante DiVincenzo mula sa bench.
Binanderahan ni Evan Fournier ang Magic, napigil ang four-game winning streak, mula sa kanyang 26 points kasunod ang 23 markers ni Terrence Ross.
Sa Boston, umiskor si Kemba Walker ng 22 points para sa balanced scoring ng Celtics sa 110-88 pagpapabagsak sa Cleveland Cavaliers.
- Latest