Umulan ng ginto sa Phl national boxing team

MANILA, Philippines — Maningning ang kampanya ng national bo­xing team na humakot ng gintong medalya sa 2019 SEA Games boxing competitions kahapon sa PICC Forum sa Pasay City.

Unang sumalang si Carlo Paalam nang itaob nito si Indonesian Langu Kornelis Kwangu via unanimous decision sa men’s light flyweight para masi­guro ang gintong medalya.

“Sobrang saya nanalo po ako, saka tiwala ng coaches at mga tao at saka po sa Panginoon maraming salamat,” ani Paalam.

Agad na sumunod sa selebrasyon si Olympian Rogen Ladon matapos iselyo ang unanimous decision win kay Ammarit Yaodam ng Thailand para makopo ang ginto sa men’s flyweight division.

Hindi rin nagpakabog si dating world champion Josie Gabuco na nagtala rin ng unanimous decision win kontra naman kay Endang ng Indonesian tungo sa pagsikwat sa ginto sa women’s light flyweight.

Wagi rin ng ginto si James Palicte nang pulbusin nito si Vietnamese Van Hai Nguyen via unanimous decision sa men’s boxing light welterweight finals.

Humabol sa selebras­yon si Charly Suarez na bumanat ng unanimous decision win kay Thais Pidnuch Khunatip sa ginto sa men’s lightweight class.

 Magarbong tinapos ng Pinoy boxers ang kam­panya nito matapos maglista pa sina world champion Nesthy Petecio at Eumir Felix Marcial ng tig-isang ginto sa kani-kanilang dibisyon.

Tinalo ni Petecio si Oo Nwe Ni ng Myanmar (unanimous decision) sa women’s featherweight habang pinabagsak ni Marcial si Nguyen Manh Cuong ng Vietnam via first-round knockout win sa men’s middleweight class.

Show comments