MANILA, Philippines — Tatlo pang Pinoy pugs ang umabante sa finals matapos magtala ng magkakaibang panalo kahapon sa 2019 Southeast Asian
Games boxing competitions sa PICC Forum sa Pasay City.
Pinakamatikas ang panalo ni Irsh Magno na nagtala ng 4-1 upset win laban sa mas matangkad na si Jutamas Jitpong ng Thailand sa women’s 51 kg. division.
“Sinunod ko lang yung sinasabi nila coach sa akin dahil alam nga namin na mas matangkad siya. Mas nakikita nila sa labas (ng ring) kung ano ang dapat kong gawin,” ani Magno.
Agad naman sumunod sa finals sina Olympian Rogen Ladon at 2014 Asian Games silver medalist Charly Suarez na parehong nagsumite ng unanimous decision win sa kani-kanilang dibisyon.
Hindi nakaporma sa tikas ni Ladon si Mohamed Hanurdeen Hamid ng Singapore matapos itala ang 30-27, 30-26, 30-25, 29-28, 30-27 desisyon sa men’s flyweight class.
Hindi nagmadali si Ladon na magandang pa-cing ang ginamit sa buong panahon ng laban para mapanatiling sariwa ang kanyang katawan bago sumalang sa finals.
“Nilaro ko lang yung laro niya,” ani Ladon.
Sa kabilang banda, sinubukan ni Suarez na mapatumba si Vietnamese fighter Thanh Dat Vue subalit nagkasya lamang ito sa unanimous decision win sa men’s lightweight division.
“Sinabihan ako ng coach namin na huwag magmadali kasi lamang naman saka, mayroong knockdown na nangyari,” ani Suarez.
Sa kabuuan, may walong Pinoy boxers sa finals.
Una nang umabante sa finals sina Carlo Paalam, Josie Gabuco, Eumir Felix Marcial Marjon Pianar at world champion Nesthy Petecio.