MANILA, Philippines — Tuloy ang matikas na ratsada ni Asian Games gold medalist Margielyn Didal matapos pagreynahan ang women’s street skate event sa 2019 Southeast Asian Games skateboarding competitions kahapon sa Tagatay Extreme Sports Complex sa Tagaytay City.
Hindi maawat ang Cebuana pride nang ilatag nito ang mga impresibong tricks at flawless na performance para masungkit ang unang puwesto sa kanyang paboritong event.
Mainit ang suporta ng mga kababayan ni Didal na todo hiyawan sa oras na sumasalang ito sa course habang napamangha rin hindi lamang ang mga judges maging ang kanyang mga kalaban sa event.
Nakalikom ng 12.7 puntos si Didal mula sa kanyang tricks na front side nose grind, back side boardslide, back side nose grind attempt, back side nose grid at half cab feeble normal out.
Ito ang ikalawang ginto ni Didal na nauna nang nangibabaw sa Game of Skate noong Huwebes.
Sa ikalawang pagkakataon, muling nagtapos sa ikalawang puwesto si Christiana Means na umani ng 7.3 puntos habang nakuha naman ni Kyandra Susanto ng Indonesia ang tansong medalya matapos magrehistro ng 4.0 puntos.
“We’re just having fun no matter what. Secure na yung gold and silver,” ani Didal na naghahakot ng puntos para magkwalipika sa 2020 Olympic Games sa Tokyo, Japan.