Philippine Team ‘di na malalaglag sa no. 1

Nakamit ni Asian Games champion Bianca Pagdanganan ang kanyang unang SEA Games gold medal sa women’s division ng individual stroke event.
Jun Mendoza

CAPAS, Tarlac, Philippines —  Bagama’t anim na gold medal lamang ang nahakot kahapon ay nanatili pa ring hawak ng Team Philippines ang overall lead sa 30th Southeast Asian Games.

Binungkal ng bansa ang mga gintong medalya mula sa marathon, judo, golf, modern pentathlon at o­bstacle course competitions.

Sapat na ito para iposte ng Pilipinas ang 70 gold, 54 silver at 50 bronze medals  habang inungusan ng Indonesia ang Vietnam para sa No. 2 spot mula sa nakolektang 39-41-46 kumpara sa 38-41-51 ng huli.

Nasa ilalim naman ang Singapore na may 31 ginto, 21 pilak at 35 tansong medalya kasunod ang Malaysia (28-20-29) at Thailand (23-35-42).

Itinakbo ni Christine Hallasgo ang gold medal sa women’s marathon na nabigong maidepensa ni Mary Joy Tabal.

Nagposte ang 26-an­yos na si Hallasgo ng bilis na dalawang oras, 56 minuto at 56 segundo para unahan ang 2017 gold medal winner na si Tabal (02:58.49) at si Thi Hong Le Pham (03:02.52) ng Vietnam.

Idinagdag naman ni Mariya Takahashi ang kanyang gintong medalya sa women’s -70-kilogram sa naunang dalawa nina Kiyomi Watanabe (women’s -63kg) at Shugen Nakano (men’s -66kg) sa judo event.

Sa golf, hinataw ni Bianca Pagdanganan ang gold medal matapos pagreynahan ang women’s individual golf.

Ito ang unang gintong medalya ng Pilipinas sa golf event ng SEA Games matapos magreyna si Princess Superal noong 2013 SEA Games sa Myanmar.

Ang gold medal naman ni Michael Ver Anton Comaling ay nakuha niya mula sa men’s beach triathlete individual event ng modern pentathlon.

Nagsumite si Comaling ng tiyempong 17 minuto at walong segundo para pagharian ang nasabing event.

Sa obstacle course, ibinulsa nina Mervin Guarte at Sandi Abahan ang dalawang gold medal sa men’s at women’s individual 5k x 20 obstacle category.

Sa kabuuan ay nagbigay ang national obstacle team ng anim na gintong medalya.

Samantala, pumadyak naman si lady rider Jermyn Prado ng silver medal matapos pumangalawa sa individual mass start.

Sa women’s beach volleyball, inangkin ng bansa ang bronze medal mula sa mga panalo nina Sisi Rondina at Bernadeth Pons.

Show comments