Pinay Spikers masusukat sa Indonesia
MANILA, Philippines — Ibubuhos ng Pilipinas ang ngitngit nito sa Indonesia sa pagpapatuloy ng 2019 Southeast Asian Games women’s volleyball competitions ngayong araw sa Philsports Arena sa Pasig City.
Magtatagpo ang Pilipinas at Indonesia sa alas-6 ng gabi habang nakatakda ang duwelo ng reigning champion Thailand at Vietnam sa alas-3:30 ng hapon.
Nananatiling mailap ang panalo sa Pinay spikers.
Umani ng kabiguan ang Pilipinas sa powerhouse Thailand noong Huwebes sa iskor na 16-25, 22-25, 32-34.
Gayunpaman, masaya si team captain Aby Maraño sa ipinakita ng kanilang tropa.
Nagawa nilang pahirapan ang Thailand sa huling sandali ng laban.
“Masaya ako dahil nabigyan namin sila ng magandang laban. Malaking karangalan na yung mapahirapan namin sila,” ani Maraño.Ngunit hindi pa tapos ang laban.
Nais ng grupo na makakuha ng panalo upang mas tumaas ang morale ng koponan bago sumalang sa mas importanteng laro sa Lunes – ang bronze-medal match laban din sa Indonesia.
Kaya naman inaasahang muling aariba ang Pinay spikers sa pangunguna ni Alyssa Valdez.
- Latest