Pinoy skateboarders humataw ng 2 ginto
MANILA, Philippines — Bumubulusok ang Pinoy skateboarding team nang kubrahin nito ang dalawang gintong medalya sa Game of Skate sa 2019 Southeast Asian Games skateboarding competitions kahapon sa Sigtuna Hall sa Tagaytay City.
Walang iba kundi si Asian Games champion Margielyn Didal ang bumandera sa matikas na ratsada ng Pinoy skaters habang nakatuwang nito si Christiana Means para masiguro ang 1-2 finish sa women’s division.
Inilabas ni Didal ang kaniyang world-class performance para pahangain hindi lamang ang mga hurado maging ang mga nanood ng live sa venue.
Hindi sumablay si Didal sa kaniyang mga tricks para matamis na angkinin ang kampeonato habang ilang mintis ang nagawa ni Means dahilan para mahulog ito sa silver medal.
Muling nagdiwang ang Pinoy fans nang makuha naman ni Daniel Lederman ang gintong medalya sa men’s class.
Pinataob ni Lederman sa finals si Basral Hutomo ng Indonesia na nagkasya sa pilak na medalya.
Lumaban din ang 12-anyos na si Hutomo na nagpamalas din ng kakaibang husay at tikas sa kaniyang murang edad.
Ngunit hindi hinayaan ni Lederman na maagaw ang spotlight sa kaniya makaraang ilatag nito ang 360 front side at laser flip na umani ng malakas na hiyawan mula sa crowd.
- Latest