MANILA, Philippines — Maningning na sinimulan ng Pinoy judokas ang kanilang kampanya nang 2 ginto ang itumba sa judo competition ng 30th Southeast Asian Games na idinadaos sa Laus Group Events Center sa San Fernando City, Pampanga.
Sinikwat ni Kiyomi Watanabe, 2018 Asian Games silver medalist ang kanyang ika-4 na sunod na ginto nang pabagsakin si Chu Myat Noe Wai ng Myanmar via ippon sa women’s under-66kgs division.
Bago tumuntong sa finals, naunang itinumba ng 23-anyos na si Watanabe si Nik Norlydiawati Nik Azan ng Malaysia na siyang nanalo ng silver medal.
Samantala, matapos ang matinding laban sa preliminary round, pumasok sa finals si Nakano Shugen Pablo at tinalo si Prasetiyo Budi ng Indonesia sa huling 17 segundo ng labanan sa men’s under-66-kgs para ibigay sa bansa ang ikalawang ginto.
Isang matinding Yoko-Tomoenage technique ang ibinuhos ni Nakano para makuha ang isang full-point score (Ippon) na nagbigay sa kanya ng kauna-unahang gintong medalya matapos manalo ito ng bronze medal sa nakaraang 2017 Kuala Lumpur Games.
Nagwagi naman si Khrizzie Pabulayan kontra kay Goh XZuan Lee ng Malaysia para itakas ang tansong medalya sa women’s 52-kgs.
Ang ikalawang tansong medalya ng host Philippines ay mula kay Keisei Nakano makaraang biguin si Aung Koq Ram Sai ng Myanmar sa kanilang men’s bronze medal match sa 73-kg. division.