Polo competition ipinagpaliban uli
BATANGAS, Philippines — Dahil sa grabeng pag-ulan dulot ng Bagyong ‘Tisoy’ noong Martes, muling ipinagpaliban kahapon sa ikalawang sunod na araw ang pagdaraos sa 0-2 goals division ng polo event sa 30th Southeast Asian Games sa Miguel Romero Polo Field sa Calatagan, Batangas.
Ipinagpaliban ang laro para tiyakin ng mga opisyales ang kaligtasan ng mga atleta at maayos na kundisyon ng playing field para sa inaasahang “battle royale” sa nasabing kumpetisyon.
Ang Team Philippines ay pangungunahan nina Jose Antonio Veloso, Noel Vecinal, Benjamin Eusebio, Julian Garcia, Franchesca Nicole Eusebio, Stefano Juban at Rep. Mikee Romero kontra sa Malaysia.
“Nakakapanghinayang since everybody is ready and excited to play na sana but we have to follow the recommendation of the officials. This is for our safety,” sabi ni Romero.
Bukod sa pagtatagpo ng Pilipinas at Malaysia, ipinagpaliban din ang laro ng Indonesia kontra sa Singapore.
Kung tuluyang gumanda ang ang panahon, gaganapin ang Indonesia-Singapore match sa alas-12:30 ng hapon ngayong araw at susundan ng laban ng Philippines at Malaysia sa alas-3 ng hapon.
Ang susunod na laro ay sa Biyernes bago ang pahinga sa Sabado at ipagpapatuloy sa Linggo.
- Latest