50-pts. ni Harden lusaw sa Spurs

SAN ANTONIO -- Nagpasabog si Lonnie Walker IV ng career-high 28 points at naungusan ng Spurs ang iniskor na 50 points ni James Harden para lusutan ang Houston Rockets, 135-133, sa double overtime.

Kumolekta si DeMar DeRozan ng 23 points, 9 assists at 5 rebounds para sa ikalawang sunod na home win ng Spurs.

Nagtapos naman ang two-game winning streak ng Rockets ni Harden.

Sa Denver, nagtala si LeBron James ng 25 points at 9 assists at nagsalpak ng isang krusyal na dunk para akayin ang Los Angeles Lakers sa 105-96 panalo laban sa Nuggets.

Umiskor din si Anthony Davis ng 25 points at pumitas ng 10 rebounds para sa pagbangon ng Lakers mula sa naunang kabiguan.

Kumamada naman si Jamal Murray ng 22 points habang may 21 markers si Paul Millsap sa panig ng Nuggets, nakahugot kay center Nikola Jokic ng 13 points at 8 assists.

Sa New Orleans, tumipa si Luka Doncic ng 15 sa kanyang 33 points sa third quarter at nagposte ng 18 rebounds sa loob ng 28 minuto para banderahan ang Dallas Mavericks sa 118-97 paggupo sa Pelicans.

Nag-ambag si Seth Curry ng 19 points at may tig-12 markers sina Tim Hardaway Jr. at Maxi Kleber para sa Dallas.

Pinamunuan ni Brandon Ingram ang New Orleans, nalasap ang ikaanim na sunod na kamalasan, sa kanyang 24 points kasunod ang 18 markers ni Jrue Holiday.

Sa Cleveland, humataw si Blake Griffin ng 24 points sa loob ng 24 minuto para tulungan ang Detroit Pistons sa 127-94 paggupo sa Cavaliers.

Nagsumite si Andre Drummond ng 17 points, 14 rebounds, 4 assists, 5 steals at 4 blocks para sa ikalawang sunod na arangkada ng Pistons.

Show comments