Arnis overall champion, 14 ginto ibinulsa
ANGELES CITY, Pampanga , Philippines — Ang Pilipinas ang nagpakilala sa arnis sa Southeast Asia Games noong 1991 bilang isang demonstration sport.
Matapos ito ay tuluyan nang inaprubahan bilang regular sport noong 2005.
Tuluyan nang inangkin ng Team Philippines ang overall title ng arnis competition matapos hakutin ang 14 sa kabuuang 20 gold medals sa 30th Southeast Asian Games kahapon dito sa Angeles University Foundation.
Bukod sa 14 golds ay humakot din ang mga Pinoy ng apat na silver at dalawang bronze medals.
Nagdagdag ng dalawang gintong medalya sina Crisamuel Delfin at Mary Allin Aldeguer sa men’s at women’s anyo non-traditional open weapon, ayon sa pagkakasunod, sa pagtatapos ng kompetisyon.
“Since nag-start po kami ng July lahat po iyan ay pinaghandaan na po namin para makamit namin ‘yung mga medalya na gusto naming kunin,” ani Delfin.
Naghari sa men’s livestick sina Dexler Bolambao (bantamweight), Niño Mark Talledo (featherweight), Villardo Cunamay (lightweight) at Mike Bañares (welterweight).
Sumingit naman ng ginto si Jezebel Morcillo (bantamweight) sa women’s livestick kung saan tatlo ang inangkin ng Vietnam.
Winalis ng mga Pinay ang mga labanan sa women’s padded stick mula sa mga panalo nina Sheena Del Monte (bantamweight), Jedah Mae Soriano (featherweight), Ross Ashley Monville (lightweight) at Abegail Abad (welterweight).
Tatlong gold medals ang isinubi nina Elmer Manlapas (featherweight), Jesfer Huquire (bantamweight) at Carloyd Tejada (welterweight) sa men’s padded stick.
Nang huling naisama ang arnis sa calendar of events ng SEA Games noong 2005 ay hinirang na co-champions ang Pilipinas at Vietnam sa parehong nahakot na tatlong golds at tatlong silvers.
Sa nasabing edisyon ng SEAG ay naging overall champion ang bansa.
- Latest