MANILA, Philippines — Nakakuha ng dalawang silver medals at isang bronze ang Team Philippines kahapon sa weightlifting competition ng 30th Southeast Asian Games sa Ninoy Aquino Stadium sa Malate, Manila.
Bumuhat si Margaret Colonia ng Zamboanga City ng kabuuang 189-kg mula sa 82-kg sa snatch at 107-kg sa clean and jerk upang tumapos sa silver medal sa women’s 59-kg division sa likuran ng gold winner na si Hoang Thi Duyen ng Vietnam na nakalikom ng kabuuang 210-kg (105-kg snatch 115-kg clean and jerk. Ikatlo naman si Andriani Putri ng Indonesia sa total lift na 177-kg.
Dahil sa technicality, naging silver lamang din ang sanang gintong medalya para sa Cebuanang si Elreen Ann Ando. Lamang ang 24-anyos na si Ando ng mahigit siyam na kilos (115-104) hanggang sa ikalawang buhat sa clean and jerk nang lumampas siya sa itinakdang dalawang minuto para buhatin sa huli at ikatlo ang sana’y 120-kg. kaya nanatili lamang sa 115-kg. ang kanyang naiposte.
Itinakas ng Vietnamese na si Pham Thi Hong Thanh ang ginto sa kabuuang 214-kg sa 90-kg. sa snatch at 124-kg. sa clean and jerk habang 213-kg. lamang ang kay Ando mula sa 98-kg. sa snatch at 115-kg. sa clean and jerk.
“Nanghinayang ako roon dahil sigurado ng gold sana kaya lang masyadong maiksi ang oras na sa tantiya ko mahigit 36 segundo lamang. Hindi ko namalayan ‘yun kaya sa time element lamang nagkatalo,” ani Ando.
Tumapos din sa ikatlong puwesto si Study Bernadicta ng Indonesia sa total lift na 186-kg.
Ang tansong medalya ng Team Philippines ay mula kay Nestor Colonia sa men’s 67-kg. sa kabuuang 287-kg. Nakuha ni Deni ng Indonesia ang ginto sa kabuuang 315-kg. at silver medal kay Dinh Xuan Hoang ng Vietnam sa 308-kg.