Arnisador hakot pa ng ginto

Nag-pose na naka-No. 1 sign sina Senator Juan Miguel F. Zubiri, President at Chairman ng Philippine Eskrima Kali Arnis Federation (PEKAF), Inc., kasama ang mga arnisador na sina (mula kaliwa) Carloyd Tejada (gold), Billy Joel Valenzuela (silver), Jesfer Huquire (gold) at Elmer Manlapaz (gold) medalists sa awarding ceremony.
Jun Mendoza

MANILA, Philippines — Patuloy ang pananalasa ng national arnis team matapos humakot pa ng gintong medalya sa 2019 Southeast Asian Games kahapon sa Angeles University Foundation sa Pampanga.

Nagningning din sina Sheena Del Monte, Carloyd Tejada, Jesfer Huquire at Elmer Manlapas na sumiguro ng gintong medalya sa kani-kaniyang dibisyon.

Pinataob ni Del Monte si Thi Huong Nguyen ng Vietnam sa finals para angkinin ang korona sa Women’s Full Contact Padded Stick Bantamweight 55kg class habang namayani naman si Tejada kay Yuong Than Tung ng Vietnam para masiguro ang kampeonato sa Men’s Full Contact Padded Stick Welterweight +65kg.

Wagi rin si Huquire kay Cong Quoc Van ng Vietnam sa Men’s Full Contact Padded Stick Bantam weight -55kg finals gayundin si Manlapas na naghari sa Men’s Full Contact Padded Stick Feather weight +55kg makaraang patumbahin nito si Duc Tri Nguyen ng Vietnam.

Tanging si Billy Joel Valenzuela ang hindi pinalad na nagkasya sa pilak matapos matalo kay Mengly Yong ng Cambodia sa gold-medal match ng Men’s Full Contact Padded Stick Welter weight +60kg category.

Show comments