CLARK, Pampanga, Philippines — Sadyang mas magiliw magsayaw ang mga Pinoy kumpara sa kanilang mga kapitbahay sa Southeast Asia.
Sampu sa kabuuang 13 gold medals ang inangkin ng Pilipinas sa dancesport competition ng 30th Southeast Asian Games kahapon dito sa Royce Hotel.
Tatlong gintong medalya ang sinikwat nina Sean Mischa Aranar at Ana Leonila Manalo Nualla sa Tango, Viennese Waltz at Five Dance events at sina Wilbert Aunzo at Pearl Caneda sa rumba, samba at cha-cha.
“Napakasaya po namin. Sobrang nakaka-overwhelm iyong crowd,” wika ni Nualla sa suporta sa kanila ng mga Pinoy fans. “Nabawasan kami ng napakalaking pasanin.”
Inangkin naman nina Mark Jayson Gayon at Mary Joy Renigen ang dalawang gold medal sa Waltz at Slow Foxtrot category.
Nagdagdag ng isang ginto sina Michael Marquez at Stephanie Sabalo mula sa Latin Paso Doble.
Huling idinaos ang dancesport competition noong 2007 SEA Games sa Thailand kung saan nag-uwi ang mga Pinoy ng kabuuang dalawang ginto, apat na pilak at tatlong tansong medalya.