NorthPort humirit pa

MANILA, Philippines — Rambulan sa huling 4:45 minuto ng fourth quarter ang naging tampok sa bakbakan ng No. 2 NLEX at No. 8 NorthPort sa kanilang quarterfinals match kahapon sa Smart Araneta Coliseum.

Ngunit sa huli ay tina­ngay ng Batang Pier ang 115-90 panalo laban sa Road Warriors para itulak ang ‘do-or-die’ game sa 2019 PBA Governor’s Cup bukas sa Big Dome.

“Ang point dito is nasunod ‘yung game plan. Basta kami may mission kami in this game,” sabi ni coach Pido Jarencio. “Part ng game’ yun eh. Basta kung ano ‘yung makita ng Commissioner’s office dapat i-penalize.”

Humakot si import Michael Qualls ng 39 points, 16 rebounds 5 assists at 2 blocks para pangunahan ang tropa ni Jarencio.

Kaagad itinayo ng NorthPort ang 34-24 abante sa first period patungo sa paglilista ng 25-point lead, 77-52, sa huling 5:03 minuto ng third quarter.

Naputol naman ng NLEX, nagbitbit ng ‘twice-to-beat’ advantage sa quarterfinals, ang nasabing abante sa 81-95 sa huling 4:54 minuto ng fourth quarter.

Matapos ito ay nagkaroon ng rambulan sina Qualls at Paul Varilla ng Road Warriors.

Hindi sinasadyang natapakan ni Qualls ang natumbang si Varilla na naging mitsa ng kanilang rambulan kung saan dinagukan ni Poy Erram ang Batang Pier import sa likod ng ulo.

Ang resulta nito ay Flag­rant Foul Penalty 2 kina Erram at Varilla para sa kanilang pagkakasibak sa laro at limang free throws nina Qualls at Christian Standhardinger para sa 100-81 paglayo ng NorthPort sa NLEX.

Show comments