MANILA, Philippines — Kasabay ng pagsungkit sa kanilang ikaapat na sunod na panalo ay ang opisyal na pagpasok ng mga Aces sa eight-team quarterfinal round.
Humataw ang Alaska sa third quarter para ipalasap ang ikalawang sunod na kabiguan ng NLEX, 106-90 sa pagtiklop ng eliminasyon ng 2019 PBA Governor’s Cup kahapon sa Ynares Center sa Antipolo City.
Pinamunuan ni import Franko House ang tropa ni coach Jeffrey Cariaso mula sa kanyang 24 points, 8 rebounds at 5 assists.
Parehong nagtapos na may 5-6 baraha ang Aces at NorthPort Batang Pier, ngunit napasakamay ng tropa ni Cariaso ang No. 7 seat habang nahulog ang Batang Pier sa No. 8 at tuluyan nang inilaglag ang Columbian Dyip (4-7).
Ito ay dahil sa 106-99 panalo ng Alaska laban sa NorthPort noong Nobyembre 3 na pasok sa ‘win-over-the-other’ rule para sa nagtablang mga koponan.
Sa kabila naman ng kanilang kabiguan ay nanatili pa ring may hawak na ‘twice-to-beat’ advantage ang NLEX (8-3) sa quarters kagaya ng Meralco (8-3).
Humulagpos ang Aces sa third period kung saan nila kinuha ang 78-62 abante bago ibaon ang Road Warriors sa 90-70 sa huling apat na minuto ng fourth quarter.