Venues sa NCCSC kasado na para sa SEAG

MANILA, Philippines — Kasado na ang mga venues na gagamitin sa New Clark City Sports Complex (NCCSC) para sa 30th Southeast Asian Games na itataguyod ng bansa mula Nobyembre 30 hanggang Disyembre 11.

Nangunguna na sa listahan ang NCC Athletics Stadium sa Capas, Tarlac na nagamit na sa SEA Games test event kamakailan.

Kaya naman mataas ang moral ng national athletics team na hahakot ito ng gintong medalya sa biennial meet sa pangunguna ni Tokyo Olympics-bound Ernest John Obiena na magtatangkang wasakin ang SEA Games record sa men’s pole vault event.

Tiniyak ng sports solutions provider E-Sports International na preparado na ang competition track, warm-up track at athletic performance gym na siyang training hub ng Filipino athletes.

“It’s very inspiring to hear that the facilities we installed are making favorable impact to our athletes,” ani Audris Romualdez na pangulo ng E-Sports International sa pagbisita nito sa PSA Forum kahapon.

Sa katunayan, ang 14,000 square meter competition track ay ginawaran ng Class 1 Certification ng International Association of Athletics Federation (IAAF).

Puntirya ng Pilipinas na masungkit ang overall championship crown sa SEA Games at isa ang athle­tics sa inaasahan ng Philippine Olympic Committee at Philippine Sports Commission na hahakot ng gintong medalya.

Show comments