MANILA, Philippines — Matikas na iwinagayway ni Charlie Calago ang bandila ng Pilipinas nang kubrahin nito ang referee-stopped-contest win para makasiguro ng tiket sa quarterfinals sa 2019 ASBC Asian Youth Boxing Championships sa Ulaanbaatar, Mongolia.
Agad na rumatsada si Calago nang ilatag nito ang malalakas na suntok na hindi nasabayan ni Sri Lankan fighter Tohnej Rashmika ng para ihinto na ng Uzbekistan referee ang laban sa men’s bantamweight (52-56 kg.).
Magtatangkang humirit ng silya sa semis si Calago sa pagsagupa nito kay Pricha Malunap ng Thailand na nagtala naman ng 4-1 split decision win (30-27, 29-28, 29-28, 29-28, 28-29) kay Seong Hun Goh ng South Korea.
Subalit bahagyang natabunan ng lungkot ang panalo ni Calago matapos mamaalam sa kontensiyon ang apat na Pinoy boxers sa kani-kanilang kategorya.