MANILA, Philippines — Dumaan muna sa butas ng karayom si Norlan Petecio bago makuha ang split decision win na nagdala sa kanya sa quarterfinals ng men’s lightweight (56-60 kg.) sa 2019 ASBC Asian Youth Boxing Championships sa Ulaanbaatar, Mongolia.
Kinailangan ni Petecio na ilabas ang lahat ng puwersa nito sa final round upang hablutin ang 3-2 panalo kay Eziz Muhammetmyradov ng Turkmenistan sa first round ng event na inorganisa ng Asian Bo-xing Confederation.
Magkakatulad na 30-27 desisyon ang ibinigay ng mga judges mula Sri Lanka, Iraq at Turkey para kay Petecio.
Pumabor naman sa Turkmenistan bet ang dalawa pang judges mula Kyrgyzstan at Syria na parehong nagtala ng 29-28 iskor.
Muling babanat si Petecio sa quarterfinals laban naman kay second seed Thankhui Noppharat ng Thailand na nakasiguro ng opening round bye.