Halos dalawang Linggo na lang ang bibilangin at napakalapit na ng SEA Games namin ngunit hindi pa rin kami nakaligtas sa isa na namang suliranin. Nitong nakaraang Biyernes, ika-8 ng buwan na ito ay kinumpirma na ng aming National Sports Association Larong Volleyball ng Pilipinas Inc. President na si Joey Romasanta ang pagkakawala ng pagkakataon ni Kalei Mau (Outside Hitter) na makalaro sa SEAGames dahil sa mga kakulangan ng dokumento at hindi pagtutugma ng iskedyul sa pagproseso ng mga ito.
Noong umpisa, ang buong akala namin ay passport lang ang kaila-ngan ni Kalei upang ma-qualify siya makalaro ngunit hindi pa pala matatapos ang lahat dito. Apektado siya ng 2-year residency policy at under pa rin siya ng United States Volleyball Association (USVA). Base sa patakaran ng International Volleyball Federation (FIVB) at ng Asian Volleyball Confederation (AVC), ang player na gustong magrepresenta ng kanyang bansa sa mga internasyunal na kompetisyon tulad ng South East Asian Games, Asian Games, at Olympics ay dapat na naninirahan sa bansa ng at least dalawang taon.
Sigurado, lahat gustong makalaro si Kalei para sa bansa dahil sa angking galing at talento niya sa paglalaro. Ngunit kung ipipilit natin na paglaruin siya dahil lang sa kagustuhan natin at kung magsa-suffer naman ang career niya dahil dito ay hindi naman natin isusugal iyon. Maaari siyang masuspinde kung maglalaro siya nang hindi pa secured ang transfer papers niya ng mga pederasyon. Hindi rin natin isusugal na ma-forfeit ang lahat ng games natin dahil naglaro siya ng ilegal.
Upang hindi na maging kumplikado pa sa dalawang panig, minarapat na lang na hindi na muna siya paglaruin ngayong SEA Games. Hindi man ngayon ang oras para kay Kalei, siguradong darating ang panahon na maaayos din ang lahat. Ang importante ngayon para sa team namin ay mag step-up ang mga natira. Bagama’t nalagasan na naman kami ng isa, hindi kami magpapabaya. Ilalaban pa rin namin ito para sa bansa.