Pinay gymnasts wagi ng 2 ginto sa Hungary

MANILA, Philippines — Sumikwat ang National Women’s Rhythmic Gymnastics Team ng dalawang gintong medalya sa prestihiyosong 2019 Magic Cup Rhythmic Gymnastics Meet na ginanap sa Hungary.

Bumandera sa kampanya ng Pinay gymnasts ang 13-anyos na si Breanna Labadan na nagreyna sa Junior Individual All Around para angkinin ang unang gintong medalya ng Pilipinas sa torneo.

Nagparamdam din ng lakas si Daniela Reggie dela Pisa na nakaginto naman sa Senior Individual All Around event.

Magandang pambungad ito para sa 16-anyos na si dela Pisa na sasabak sa 2019 Southeast Asian Games na gaganapin sa Nobyembre 30 hanggang Disyembre 11 sa iba’t ibang panig ng bansa.

Noong Hunyo, nakapag-uwi si dela Pisa ng dalawang pilak sa clubs at ribbon events sa Singapore Open.

Si dela Pisa ay anak nina dating University of Visayas Lancers basketball player Randy at gymnastics mentor Darlene.

Sa kabilang banda, maningning na nasundan ni Labadan ang impresibong ipinamalas nito sa RG Friends Masters Gymnastics Meet sa Denmark.

Nakaginto rin si Labadan sa Individual All Around. Umani rin ito ng pilak sa Ball at tanso sa Ribbon sa Royal Crown gymnastics meet sa Greece noong Mayo.

Show comments