Pinoy fighters umariba sa ONE: Masters of Fate

Humakot ng panalo ang lahat ng lumabang Team Lakay members ngayong gabi, na tumapos sa kanilang serye ng pagkatalo ngayong taon.
Philstar.com/Erwin Cagadas Jr

MANILA, Philippines — Waging-wagi ang Pilipinas ngayong Biyernes sa pagtatapos ng ONE: Masters of Fate matapos manalo ng apat sa limang Pilipino sa kani-kanilang mixed-martial arts bout.

Nanaig ang Pilipinong si Robin Catalan kontra kay Gustavo Balart ng Cuba sa ikalawang round ng kanilang laban.

Na-knockout si Balart nang masipa sa ulo ni Catalan sa ikalimang laban sa prelims.

Wagi naman sa pamamagitan ng knockout si Geje Eustaquio matapos ang dalawang minuto at 11 segundo ng ikatlong round. 

Isang matinding spinning kick sa sikmura ni Toni Tauru ng Finland ang tumapos sa laban.

Samantala, panalo naman sa kanyang lightweight MMA fight si Eduard Folayang laban sa Mongolian na si Amarsanaa Tsogookhuu.

Nakuha ni Folayang ang panalo matapos ihinto ang laban sa ikalawang round dahil sa "unintentional foul."

Lubhang duguan ang mukha ng fighter matapos magtamaan ang ulo nila ni Tsogookhuu.

Sa kabila nito, pinaboran pa rin siya ng score cards ng tatlong hurado.

Matagumpay namang nadepensahan ni Joshua Pacio ang kanyang ONE Strawweight World title kontra sa kapwa Pinoy na si Rene Catalan.

Nagawang mapasuko ng kampeon ang kanyang challenger sa pamamagitan ng isang arm triangle choke matapos ang dalawang minuto at 29 segundo ng ikalawang round.

Humakot ng panalo ang lahat ng lumabang Team Lakay members ngayong gabi, na tumapos sa kanilang serye ng pagkatalo ngayong taon.

Show comments