Aces pinigil ang Batang Pier

Nilusutan ni Christian Standhardinger ng NorthPort sina Vic Manuel at JVee Casio ng Alaska sa aksyong ito sa PBA.

MANILA, Philippines — Kasabay ng pagpigil sa two-game winning run ng NorthPort ay itinala ng Alaska ang kanilang ikalawang sunod na ratsada.

Nalampasan ng Aces ang pagresbak ng Batang Pier sa huling dalawang minuto ng final canto para tangayin ang 106-99 panalo sa 2019 PBA Governor’s Cup sa Smart Araneta Coliseum.

Pinaganda ng Alaska ang kanilang record sa 3-6 habang nahulog ang baraha ng NorthPort, nakahugot kay Christian Standhardinger ng career-high na 37 points, 16 rebounds at 5 assists, sa 3-5.

“Ang sabi lang ni coach Jeff (Cariaso) sa amin kailangang maglaro kami as a team at magsama-sama kami kahit anong mangyari,” sabi ni forward Vic Manuel na nagtala ng conference high na 23 points at 10 rebounds.

Matapos ang layup ni Manuel na nagbigay sa Aces ng 98-89 abante sa huling 3:09 minuto ng fourth quarter ay naidikit ni import Michael Qualls ang Batang Pier sa 92-98 sa 2:18 minuto nito.

Huling naghamon ang NorthPort sa 99-102 sa likod ng atake ni Standhardinger sa nalalabing 27.6 segundo ng bakbakan.

Ang dalawang free throws naman ni Manuel ang muling naglayo sa Alaska sa 104-99 sa natitirang 17.7 segundo para selyuhan ang kanilang panalo.

Samantala, kasaluku­yan naglalaban ang Barangay Ginebra at Meralco Bolts habang sinusulat ito.

Alaska 106 - House 23, Manuel 23, Tratter 17, Teng 13, Enciso 8, Casio 7, Racal 6, Thoss 4, Ahanmisi 4, Pascual 1,  Ayaay 0.

NorthPort 99 - Standhardinger 37, Qualls 35, Anthony 8, Lanete 8, Casio 7, King 5, Ferrer 3, Taha 2, Elorde 1, Cruz 0, Escoto 0.

Quarterscores: 28-29; 53-48; 83-76; 106-99.

Show comments