Ginebra, Meralco magbabasagan

MANILA, Philippines — Itinuturing ni Barangay Ginebra coach Tim Cone na krusyal ang kanilang laro ng karibal na Meralco para sa puwesto sa Top Four sa eight-team quarterfinal round.
Magkasosyo sa ikalawang puwesto, babasagin ng Gin Kings at Bolts ang kanilang pagkakadikit ngayong alas-6:45 ng gabi sa 2019 PBA Governor’s Cup sa Smart Araneta Coliseum.
“It’s crucial for both of us in terms of securing a Top Four seed,” sabi ng two-time PBA Grand Slam champion na si Cone. “We need to be at our best to have a chance to beat them.”
Ang No. 1, 2, 3 at 4 teams sa quarterfinals ang magkakaroon ng ‘twice-to-beat’ advantage laban sa mga koponan sa No. 8, 7, 6 at 5, ayon sa pagkakasunod.
Sumasakay ang Ginebra sa four-game winning streak, habang dalawang sunod na panalo ang itinala ng Meralco para magtabla sa parehong 5-2 record sa ilalim ng NLEX (7-1) at TNT Katropa (7-1).
Huling biniktima ng Gin Kings ang Blackwater Elite, 101-91, samantalang ginulat ng Bolts ang San Miguel Beermen, 125-99.
Muling magtutuos sina imports Justin Brownlee ng Ginebra at Allen Durham ng Meralco matapos maglaban sa tatlong PBA Finals.
Sa ikalawang sunod na pagkakataon ay ipaparada rin ng Bolts ni one-time PBA Grand Slam titlist Norman Black si shooting guard Allein Maliksi na nahugot nila mula sa Elite (2-7) via trade.
Samantala, maghaharap naman ang NorthPort (3-4) at Alaska (2-6) sa unang laro sa alas-4:30 ng hapon.
Naglista ng dalawang dikit na ratsada ang Batang Pier, muling itatampok si Fil-German bigman Christian Standhardinger, habang nakuha ng Aces ang ikalawa nilang panalo sa walong laban.
- Latest