DALLAS-- Nagsalpak si Anthony Davis ng back-to-back dunks sa pagsisimula ng overtime at tumipa si Danny Green ng buzzer-beating three-pointer sa regulation para sa 119-110 panalo ng Los Angeles Lakers kontra sa Mavericks.
Nagposte si LeBron James ng triple-double mula sa kanyang season-high na 39 points, 16 assists at 12 rebounds para sa Lakers at nag-ambag naman si Davis ng 31 points at 8 boards.
Kumolekta naman si Luca Doncic ng 31 points, 13 rebounds at career-high na 15 assists para sa kanyang ika-10 triple-double sa panig ng Dallas.
Ang nakumpletong three-point play ni James ang nagbigay sa Lakers ng 110-103 abante sa overtime.
Kumamada naman si Doncic ng 5-0 atake para ilapit ang Mavericks sa 108-110 kasunod ang 3-pointer ni James para selyuhan ang kanilang panalo.
Sa San Francisco, Humataw si guard Patty Mills ng 31 points para banderahan ang 127-110 paggupo ng San Antonio Spurs laban sa Golden State Warriors.
Naglaro ang Warriors na wala si injured star Stephen Curry, tatlong buwan magpapahinga matapos mabalian ng kaliwang kamay.
Nagtala si LaMarcus Aldridge ng 22 points para sa Spurs (4-1) na nagmula sa una nilang kabiguan sa season.
Pinamunuan ni D’Angelo Russell ang Golden State (1-4) mula sa kanyang 30 points, habang may 20 markers si rookie Jordan Poole.
Sa Indianapolis, naglista si Malcolm Brogdon ng 25 points, 8 rebounds at 6 assists para ihatid ang Indiana Pacers sa 102-95 paggiba sa Cleveland Cavaliers.
Tumapos si Jeremy Lamb ng 21 points at 10 rebounds, habang nagposte si Domantas Sabonis ng 18 points at 17 rebounds para sa Pacers (2-3).