4 silver, 1 bronze nilangoy ni Dula sa PSI Grand Prix

Inilabas ni Marc Bryan Dula ang bangis nito sa 1,500m freestyle event sa 2019 Philippine Swimming Inc. (PSI ) Short Course Grand Prix National Cham­pionships na ginanap sa Trace College Aquatic Center sa Los Baños, Laguna.
Chris Co

MANILA, Philippines — Humakot si Philippine Swimming League-Swimming Pinas standout Marc Bryan Dula ng apat na pilak at isang tansong medalya sa 2019 Philippine Swimming Inc. (PSI) Short Course Grand Prix National Championships na ginanap sa Trace College Aquatic Center sa Los Baños, Laguna.

Mainit na sinimulan ng Masville National High School student na si Dula ang kampanya nito makaraang makuha ang unang pilak na medalya sa makapigil-hiningang 1,500m freestyle event tangan ang 18:43.00 sa boys’ 13-year category.

Muling umarangkada ang Palarong Pambansa multi-gold medallist sa 50m backstroke nang maglista ito ng 30.33 segundo para sa pilak bago umani ng dalawa pang pilak mula naman sa 100m backstroke (1:08.00) at 200m backstroke (2:26.50).

Nahablot ni Dula ang tanso sa 400m freestyle sa tiyempong 4:45.00.

“We are proud of him. Winning these medals against the country’s young best swimmers is already an achievement for Marc. There’s still room for improvement and we’ll be doing our best to guide him for his next competitions,” ani PSL president Alexandre Papa.

Pinaghahandaan ni Dula ang pagsalang nito sa qualifying tournament para sa 2020 Palarong Pambansa gayundin ang ilang international tournaments na lalahukan nito sa susunod na taon.

Si Dula ay produkto ng PSL grassroots development program ng namayapang si dating PSL president Susan Papa.

Show comments