LOS ANGELES -- Kaagad binigyan ni Kawhi Leonard ng panalo ang bagong koponang Clippers matapos humataw ng 30 points para sa kanilang 112-102 paggupo kay LeBron James at sa Lakers sa season opener kahapon.
Nagdagdag si Lou Williams ng 21 points habang may 17 markers si Montrezl Harrell para sa Clippers na mas pinapaborang makuha ang NBA championship kesa sa Lakers.
Hindi naglaro para sa Clippers si Paul George na sumailalim sa offseason shoulder surgeries.
Nakamit ni Leonard ang kanyang ikalawang NBA title sa nakaraang season sa Toronto.
Itinampok ng Lakers ang bago nilang 1-2 punch sa katauhan nina James at Anthony Davis na tumipa ng 25 at 18 points, ayon sa pagkakasunod.
Sinapawan sila ni Danny Green na humataw ng 28 points.
Sa Toronto, nagpasabog si Fred VanVleet ng career-high 34 points habang nagposte si Pascal Siakam ng 34 points at 18 rebounds para akayin ang defending champion Toronto Raptors sa 130-122 overtime win kontra sa New Orleans Pelicans.
Tumipa si Kyle Lowry ng 22 points, kasama rito ang dalawang free throws na nagbigay sa Toronto ng komportableng bentahe laban sa New Orleans.