Cool Smashers dikit na sa sweep

MANILA,Philippines — Dalawang manlalaro ang nawala sa nagdedepensang Creamline subalit hindi ito naging hadlang matapos mabilis na patumbahin ang BanKo Perlas sa bisa ng 25-22, 27-25, 25-14 para makalapit sa inaasam na sweep sa Premier Volleyball League Open Conference kahapon sa The Arena sa San Juan City.

Wala sina key pla­yers Alyssa Valdez at Jia Morado kaya naman umatake ng husto sina Michele Gumabao, Jema Galanza at Kyle Negrito upang buhatin ang Cool Smashers sa 15-0 marka.

Umiskor si Galanza ng 14 puntos mula sa 13 attacks at isang block.

“Kailangan ko talagang mag-step up kasi wala sina Ate Ly at Jia. Gusto ko rin maging example sa mga teammates ko. At ‘yun pag nakikita kasi ng teammates ko na on fire ako pati kami ni Ate Michele, sila rin ay ginaganahan maglaro,” pahayag ni Galanza.

Kasama sina Valdez at Morado ng national team na nagtungo sa Japan kahapon para sumailalim sa 12-day training camp na paghahanda para sa 2019 Southeast Asian Games.

Lumagapak ang Perlas Spikers sa No. 4 spot matapos mahulog sa 10-6 baraha habang naiwan ang Motolite sa ikatlong puwesto tangan ang 10-5 kartada.

Dahil dito, lumakas ang tsansa ng Power Builders na makuha ang third seed sa semifinals.

Kailangan lang talunin ng Motolite ang Creamline sa kanilang huling asignatura sa Miyerkules.

Ngunit isang matinding pagsubok ito para sa Po­wer Builders dahil ngayon pa lang desidido ang Cool Smashers na makuha ang sweep.

Show comments