MANILA, Philippines — Matagumpay na naipagtanggol ng F2 Logistics ang kampeonato sa Philippine Superliga Invitational Conference.
Hinarang ng Cargo Movers ang matikas na kamada ng Petron sa finals para angkinin ang ikalawang sunod na Invitational Conference title – ang ikalima ng prangkisa sa liga.
Bukod kay Filipino-American wing spiker Kalei Mau, pinakamaningning si middle blocker Majoy Baron na siyang itinanghal na Most Valuable Player sa kumperensiyang ito.
Maliban dito, nakuha rin ni Baron ang First Best Middle Blocker award.
Itinuturing nang isa sa pinakamabagsik na middle blocker sa rehiyon si Baron matapos hablutin din ang dalawang sunod na Best Blocker awards sa Asean Grand Prix na ginanap sa Thailand at Laguna.
Nasungkit naman ni Sisi Rondina ng Petron ang Best Scorer at First Best Outside Hitter awards habang pinangalanang Best Opposite Hitter si Aiza Maizo-Pontillas at Best Setter si Angel Legacion.
Nakuha ni Roselyn Doria ng Cignal ang Second Best Middle Blocker habang Best Libero si Jen Reyes ng Foton at ang katropa nitong si Shaya Adorador bilang Second Best Outside Hitter.
Hindi pa tapos ang laban para kay Baron dahil sesentro ang atensiyon nito sa mas matinding bakbakan – ang 2019 Southeast Asian Games na idaraos sa Philsports Arena sa susunod na buwan.