MANILA, Philippines — Sa kanyang pagpasok sa press room para sa post game interview ay isang malalim na paghinga ang ginawa ni head coach Jeffrey Cariaso.
“You just want to get that first win out of your system,” sabi ni Cariaso. “When things are going bad you just go back to basic. Today we did enough to win.”
Bumida ang nagbabalik na si Jeron Teng sa 78-71 panalo ng Alaska laban sa Rain or Shine para buhayin ang kanilang pag-asa sa quarterfinals ng 2019 PBA Governor’s Cup kahapon sa Smart Araneta Coliseum.
Tumapos si Teng na may 18 points, 9 rebounds, 2 assists at 1 block sa kanyang pagbabalik mula sa hamstring injury.
Ito ang unang panalo ng Aces matapos ang 0-5 panimula, habang nalasap ng Elasto Painters ang ikaapat na sunod nilang kamalasan sa anim na laro.
Mula sa 40-35 bentahe sa halftime ay pinalobo ng Alaska ang kanilang kalamangan sa 62-50 matapos ang three-point play ni import Franko House.
Sa pamumuno naman nina import Kayel Locke at big man Beau Belga ay nakalapit ang Rain or Shine sa 68-72 sa nalalabing 1:10 minuto ng fourth period.
Nagsalpak ng floater si Teng para sa 74-68 abante ng Aces sa huling 57.4 segundo kasunod ang basket ni Locke para idikit ang Elasto Painters sa 70-74 sa huling 47.1 segundo.
Nakanakaw naman ng lay-up si JVee Casio mula sa inbound pass ni Teng at nagsalpak ng dalawang free throws si Simon Enciso para selyuhan ang panalo ng tropa ni Cariaso.
Umiskor si House ng 22 points para sa Alaska, habang may tig-9 markers sina Enciso at Vic Manuel.
Tumipa naman si Locke ng 25 points sa panig ng Rain or Shine.