MANILA, Philippines — Ilang beses nagpilit makalapit ang Blackwater at ilang ulit din silang iniwanan ng Columbian.
Bumangon ang Dyip mula sa naunang kabiguan para talunin ang Elite, 102-90 sa 2019 PBA Governor’s Cup kahapon sa MOA Arena sa Pasay City.
Ito ang ikatlong panalo ng Columbian sa limang laro habang nabigo naman ang Blackwater na mailista ang back-to-back wins sa kanilang pangatlong pagkatalo sa apat na laban.
“It feels really good and I hope we can sustain it and make a run to the playoffs,” ani Fil-Am guard Rashwan McCarthy na nagtala ng 25 points, kasama rito ang 7-of-13 shooting sa three-point line, bukod pa ang 5 rebounds at 3 assists.
Nagdagdag sina No. 1 overall pick CJ Perez at import Khapri Alston ng tig-24 points kasunod ang 12 markers ni Reden Celda.
Kaagad kinuha ng Dyip ang 28-18 abante sa pagtatapos ng first period hanggang ikasa ang 15-point lead, 33-18 mula sa triple at jumper ni Celda sa pagsisimula ng second quarter.
Sa likod nina No. 2 overall pick Bobby Ray Parks Jr. at import Aaron Fuller, pinalitan si Marqus Blakely, ay nakalapit ang Elite sa 59-62 sa 6:01 minuto ng third canto.
Muli namang nakalayo ang Columbian sa 100-85 buhat sa pang-pito at huling tres ni McCarthy sa nalalabing 1:17 minuto ng fourth period.
Pinamunuan ni Fuller ang Blackwater mula sa kanyang 26 points habang may 21 markers si Parks.
Samantala, itataya ng TNT Katropa ang imakulada nilang 5-0 record sa pagsagupa sa Meralco (3-1) ngayong alas-6:45 ng gabi sa Smart Araneta Coliseum.
Sa unang laro sa alas-4:30 ng hapon ay magtutuos naman ang Phoenix (2-4) at ang bumubulusok na NorthPort (1-4).