PetroGazz gustong dumikit sa semis

MANILA, Philippines — Lalapit ang reigning Reinforced Conference champion PetroGazz sa semis spot sa pagsagupa nito sa mapanganib na Motolite sa pagpapatuloy ng Premier Volleyball League Open Conference nga­yong araw sa The Arena sa San Juan City.

Magpapang-abot ang Gazz Angels at Power Builders sa alas-4 kasunod ang alas-6 na pukpukan ng BanKo-Perlas at Choco Mucho na parehong naghahabol din na makahirit ng tiket sa semis.

Nakuha na ng nagdedepensang Creamline ang unang silya sa semis matapos kubrahin ang imakuladang 12-0 marka habang nakabuntot ang PetroGazz sa No. 2 tangan ang 9-2 baraha.

Malakas din ang tsansa ng BanKo Perlas (8-5) at Motolite (7-5) ngunit kailangan ng dalawang tropa na maipanalo ang kanilang mga laro para higit pang patatagin ang kapit sa Top 4 spot.

Mataas ang morale ng Gazz Angels na may eight-game winning streak tampok ang 25-15, 20-25, 14-25, 25-13, 15-7 pana­naig sa Pacific Town-Army sa kanilang huling laro noong Sabado sa University of San Agustin gym sa Iloilo City.

Limang manlalaro ang nagtala ng double figures sa naturang laro sa pa­ngunguna nina Jovielyn Prado na kumana ng 14 hits at Chery Rose Nunag na naglista ng 13 markers.

Naramdaman din sina Maricar Nepomuceno-Baloaloa (12), Jonah Sabete (11) at Jeanette Panaga (10).

Samantala, mag-uunahan ang UST Tigresses at Adamson Lady Falcons sa Game 1 sa pagsisimula ng kanilang best-of-three championship series sa Collegiate Conference.

Nakatakda ang sagupaan ng Tigresses at Lady Falcons sa alas-11 ng tanghali at mapapanood ng Live sa LIGA, LIGA HD, IWant at sports.abs-cbn.com.

Bago ang naturang laban, maghaharap muna ang Ateneo Lady Eagles at CSB Lady Blazers sa alas-9 ng umaga para sa medalyang tanso.

Show comments