PetroGazz gustong dumikit sa semis
MANILA, Philippines — Lalapit ang reigning Reinforced Conference champion PetroGazz sa semis spot sa pagsagupa nito sa mapanganib na Motolite sa pagpapatuloy ng Premier Volleyball League Open Conference ngayong araw sa The Arena sa San Juan City.
Magpapang-abot ang Gazz Angels at Power Builders sa alas-4 kasunod ang alas-6 na pukpukan ng BanKo-Perlas at Choco Mucho na parehong naghahabol din na makahirit ng tiket sa semis.
Nakuha na ng nagdedepensang Creamline ang unang silya sa semis matapos kubrahin ang imakuladang 12-0 marka habang nakabuntot ang PetroGazz sa No. 2 tangan ang 9-2 baraha.
Malakas din ang tsansa ng BanKo Perlas (8-5) at Motolite (7-5) ngunit kailangan ng dalawang tropa na maipanalo ang kanilang mga laro para higit pang patatagin ang kapit sa Top 4 spot.
Mataas ang morale ng Gazz Angels na may eight-game winning streak tampok ang 25-15, 20-25, 14-25, 25-13, 15-7 pananaig sa Pacific Town-Army sa kanilang huling laro noong Sabado sa University of San Agustin gym sa Iloilo City.
Limang manlalaro ang nagtala ng double figures sa naturang laro sa pangunguna nina Jovielyn Prado na kumana ng 14 hits at Chery Rose Nunag na naglista ng 13 markers.
Naramdaman din sina Maricar Nepomuceno-Baloaloa (12), Jonah Sabete (11) at Jeanette Panaga (10).
Samantala, mag-uunahan ang UST Tigresses at Adamson Lady Falcons sa Game 1 sa pagsisimula ng kanilang best-of-three championship series sa Collegiate Conference.
Nakatakda ang sagupaan ng Tigresses at Lady Falcons sa alas-11 ng tanghali at mapapanood ng Live sa LIGA, LIGA HD, IWant at sports.abs-cbn.com.
Bago ang naturang laban, maghaharap muna ang Ateneo Lady Eagles at CSB Lady Blazers sa alas-9 ng umaga para sa medalyang tanso.
- Latest