MANILA, Philippines — Puntirya ng Cignal na maipagpatuloy ang kanilang dominasyon sa pagharap sa Marinerang Pilipina sa pagbabalik-aksyon ng Philippine Superliga Invitational Conference sa Bacoor Strike gym sa Cavite.
Magpapang-abot ang HD Spikers at Lady Skippers ngayong alas-2 ng hapon kasunod ang bakbakan ng F2 Logistics at Foton sa alas-4 at ng Sta. Lucia at Generika-Ayala sa alas-6 ng gabi.
Winalis ng Cignal ang lahat ng kanilang asignatura sa first round ng eliminasyon kung saan pinataob nila ang Foton, PLDT Home Fibr at Sta. Lucia Realty.
Kaya naman mataas ang morale ng HD Spikers sa pag-entra sa second round.
Pangungunahan nina national team members Mylene Paat, Jovelyn Gonzaga at Roselyn Doria ang ratsada ng Cignal matapos ang kanilang matagumpay na kampanya sa Asean Grand Prix kung saan tumapos ang mga Pinay Spikers sa ikatlong puwesto.
Makakasama ng tatlo sina Rachel Anne Daquis, Jannine Navarro, Filipino-American Alohi Robins-Hardy at libero Jheck Dionela.
Haharapin ng HD Spikers ang Lady Skippers na wala pang panalo sa tatlong laro sa torneo.
Lumasap ang Marinerang Pilipina ng tatlong dikit na kabiguan sa first round.
Kaya naman gigil ang Lady Skippers na makabawi upang buhayin ang kanilang pag-asa sa semis.
Papalo para sa Marinerang Pilipina sina Ivy Remulla, Nasella Guliman, Cesca Racraquin, Caitlyn Viray, Judith Abil at Rhea Ramirez.
Sa kabilang banda, nag-uumapaw din ang kumpiyansa ng F2 Logistics dahil tatlong miyembro nito – Aby Maraño, Majoy Baron at Dawn Macandili – ay bahagi rin ng national team sa Asean Grand Prix.
Tatapatan sila ng Foton sa pangunguna nina CJ Rosario, Shaya Adorador at ang magkapatid na sina Eya at EJ Laure, nagposte ng 8.5 points per game sa dalawang laro ng Tornadoes.