GenSan, Zamboanga at Nueva Ecija umiskor sa MPBL

MANILA, Philippines — Mas lalong pinalakas ng General Santos City Warriors ang tsansa na makapasok sa playoff round matapos talunin ang Parañaque Patriots, 78-67, sa 2019 Maharlika Pilipinas Basketball League Lakan Cup sa San Andres Sports Complex sa Manila.

Umiskor si Pamboy Raymundo ng 13 points na may kasamang 7 rebounds at 4 assists upang manatili sa ikatlong puwesto ang Warriors sa kanilang 12-5 kartada.

Nagdagdag si Jeramar Cabanag ng 10 markers para kumapit sa likuran ng Davao Occidental Occidental Tigers (14-2) at Bacoor City Strikers (14-3) sa South division.

Ang Patriots ay bumaba sa pang-11 puwesto sa 6-11 sa North division.

Bukod sa Warriors, nanatili rin ang Zamboanga Family Sardines sa pang-anim na puwesto makaraang magwagi laban sa Basilan Steel, 83-78, para sa 10-8 marka.

Sumandal ang Zamboanga kina Anton Asistio, Hans Thiele, Dennice Villamore, Robin Rono, Raffy Reyes  at Rene Bonsubre para pataubin ang Basilan na bumagsak sa pang-pitong puwesto sa 9-8 record sa South division.

Samantala, binigo ng Nueva Ecija Rice Vanguards ang Rizal Golden Coolers, 84-71, upang makopo ang ikatlong panalo sa 15 laro.

Show comments