Letran nagpasolido sa No. 3

Si Fran Yu ng Letran laban kay Marlon Espiritu ng Arellano. (Jun Mendoza)

MANILA, Philippines — Hindi na nag-aksaya pa ng oras ang Letran Knights at muling pinadapa ang Arellano Chiefs, 97-84 kahapon upang manatili sa ikatlong puwesto sa pagpapatuloy ng Season 95 NCAA basketball tournament sa The Arena sa San Juan City.

Matapos maiwanan sa ikalawang yugto, 46-49 nagpaulan ang Knights ng 34 puntos sa ikatlong yugto tungo sa pagsungkit sa kanilang ika-sampung panalo at sementuhan ang hawak sa third spot sa 10-6 win-loss kartada sa likuran ng nangungunang San Beda (15-0) at pumapa­ngalawang Lyceum Pirates (11-3).

Sa kanilang ika-11th talo sa 15 laro (4-11), na­nganganib na rin ang pag-asa ng Arellano na makapasok pa sa Final Four.

Kailangan na ng tropa ni Arellano coach Cholo Martin na walisin ang huling tatlong laro para manatiling buhay ang pag-asa.

Sa juniors’ division, pinagtibay ng Arellano Braves ang asam na semifinal berth matapos paluhurin ang Letran Squires, 65-59 habang pinayuko naman ng SSC-R Staglets ang JRU Light Bombers, 94-91 upang umangat sa sosyohan sa ikatlong puwesto sa 8-6 slate.

Show comments