MANILA, Philippines — Pinalubog ng Marinerong Pilipino ang BRT Sumisip Basilan-St. Clare sa pamamagitan ng 69-59 desisyon sa Game 1 upang makalapit sa kampeonato ng 2019 PBA D-League Foundation Cup kahapon sa Ynares Sports Arena sa Pasig City.
Bumida si Adven Jess Diputado nang magrehistro ito ng 12 puntos at apat na rebounds para pamunuan ang Skippers na mahablot ang 1-0 bentahe sa best-of-three championship series.
Nakatuwang ni Diputado sina MVP candidate Eloy Poligrates at Cebuano bigman William McAloney na parehong kumana ng siyam na puntos sa panig ng Marinerong Pilipino.
Ngunit hindi kuntento si Skippers mentor Yong Garcia lalo na nang humulagpos sa kamay ng Marinerong Pilipino ang 19 puntos na kalamangan (43-24) sa halftime na bumaba sa pito.
“Yun ang naging problema namin before at lumabas ulit. Dapat pagdating ng Game Two, hindi kami dapat parang roller coaster. Dapat mag-stick kami sa gameplan namin,” aniGarcia.
Nanguna para sa BRT Sumisip Basilan-St. Clare si Jhaps Bautista na nagsumite ng 17 markers habang nagrehistro naman si Malian center Mohammed Pare ng 14 puntos at 12 boards.
Nag-ambag sina Joshua Fontanilla at Junjie Hallare ng tig-pitong puntos para sa Saints.
Ito ang ika-10 panalo ng Marinerong Pilipino.
Isang panalo na lamang ang kailangan ng Skippers para masweep ang kumperensiya at mapabilang sa kasaysayan ng liga na ikalawang koponan na nakagawa ng naturang tagumpay.