Choco Mucho buhay pa ang tsansa

Gaya ng inaasahan, nakakuha ng malakas na puwersa ang Choco Mucho kay MVP candidate Kat Tolentino na humataw ng 27 puntos mula sa 22 attacks, apat na blocks at isang ace.
File

MANILA, Philippines — Nalusutan ng Choco Mucho ang matikas na kamada ng Motolite sa huling sandali ng laro upang ilusot ang 19-25, 25-21, 25-15, 28-26 panalo kahapon sa 2019 Premier Volleyball League (PVL) Open Conference sa The Arena sa San Juan City.

Matamis ang ratsada ng Flying Titans na uma­ngat sa 6-6 marka para manatiling buhay ang pag-asa nito sa semifinals.

Gaya ng inaasahan, nakakuha ng malakas na puwersa ang Choco Mucho kay MVP candidate Kat Tolentino na humataw ng 27 puntos mula sa 22 attacks, apat na blocks at isang ace.

Solido rin ang suporta ni middle blocker Maddie Madayag gayundin nina Kim Gequillana at Mary Grace Berte na nagtala ng pinagsamang 14 markers para sa Flying Titans.

Mula sa 19-all, lumayo ng bahagya ang Flying Titans ng magtala ng dalawang sunod na puntos si Tolentino para sa 21-19 sa fourth set.

Subalit muling naitabla ng Power Builders ang iskor sa 21-all mula sa error ni Gequillana sa service area na sinundan ng off-the-block hit ni Myla Pablo.

Anim na beses pang nagtabla ang laro kabilang ang huling pagtatabla sa 26-all bago magtala si Diana Mae Carlos ng attacking error kasunod ang down-the-line hit ni Tolentino para tuluyang makuha ng Flying Titans ang panalo.

Nahulog sa 7-5 ang Motolite.

Show comments