Sweep sa Cignal

Lumusot sa depensa nina Andrea Marzan at Glaudine Trongcoso ng Sta. Lucia Realty ang kill ni Jovelyn Gonzaga ng Cignal.
PSL Image

F2 Logistics wagi rin sa Generika-Ayala

MANILA, Philippines — Mabilis na pinayuko ng Cignal ang Sta. Lucia, 25-18, 25-23, 25-14 para walisin ang lahat ng asignatura nito sa Pool A sa Philippine Superliga Invitational Conference kahapon sa Sta. Rosa Multipurpose Sports Complex sa Sta. Rosa, Laguna.

Nanatiling mataas ang intensidad ng HD Spi­kers para makuha ang isa na namang three-set win tungo sa ikatlong sunod na panalo.

Nanguna sa atake ng HD Spikers si national team member Mylene Paat na kumana ng 12 points tampok ang siyam sa attacks habang naglista naman si Rachel Anne Daquis ng 10 points at 16 digs.

Hindi rin matatawaran ang husay ni Filipino-Ame­rican Alohi Robins-Hardy na may 14 excellent sets kasama pa ang walong puntos habang umani naman si libero Jheck Dionela ng 17 digs at walong receptions.

Mapapalaban sa susunod na yugto ang Cignal dahil makakaharap nito ang Petron, PLDT at Marinerang Pilipina sa Pool C.

“We can’t be complacent because every game is important in this short conference. After we r­ealized it in the second set, the team woke up and became motivated to try to finish it in straight sets and give our best,” ani Daquis.

Tanging si Pam Lastimosa ang nagsilbing liwanag sa hanay ng Lady Realtor na lumasap ng ikalawang sunod na kabiguan para mahulog sa 1-2 marka.

Mapupunta naman ang Lady Realtors sa Pool D kasama ang F2 Logistics, Generika-Ayala at Foton.

Ang dalawang ma­ngungunang koponan sa Pool C at Pool D ang aabante sa semifinals.

Sa ikalawang laro, mabilis na nakabangon ang nagdedepensang F2 Logistics sa masamang pa­nimula upang hatakin ang 15-25, 25-16, 25-13, 25-14 panalo laban sa Generika-Ayala.

Nanguna si Desiree Cheng na umiskor ng 11 puntos mula sa walong attacks at tatlong aces para buhatin ang Cargo Movers sa ikalawang panalo sa tatlong  laro.

Magpapatuloy ang aksiyon sa susunod na Martes upang bigyang daan ang pagtataguyod ng bansa ng second leg ng Asean Grand Prix kung saan sasabak ang national team.

Target ng national squad na malampasan ang third-place finish nito sa first leg noong nakaraang buwan sa Nakhon Ratchasima, Thailand.

Show comments