PetroGazz, Motolite ‘di puwede matalo

MANILA, Philippines — Target ng PetroGazz at Motolite ang krusyal na panalo para palakasin ang kanilang tsansang makapasok sa semis sa pagharap sa magkaibang karibal ngayong araw sa pagpapatuloy ng 2019 Premier Volleyball League (PVL) Open Conference sa The Arena sa San Juan City.

Lalarga ang Gazz Angels kontra sa Chef’s Classic sa alas-6 ng gabi habang titipanin naman ng Power Builders ang mapanganib na Choco Mucho sa alas-4.

Matapos lumasap ng kabiguan sa Creamline Cool Smashers noong Agosto 24, sunud-sunod ang panalo ng PetroGazz nang pataubin nito ang Pacific Town-Army Lady Troopers, Air Force Jet Spikers, Flying Titans, Motolite, Chef’s Classic at BanKo-Perlas para sumulong sa solong No. 2 hawak ang 7-2 marka.

At inaasahang paborito ang reigning Reinforced Conference champions na maulit ang kanilang three-set win sa Red Spikers.

Aariba para sa Gazz Angels sina middle b­lockers Cherry Rose Nunag at Jeanette Panaga kasama sina outside hitters Paneng Mercado at Jonah Sabete.

Magtutulong naman sina playmakers Chie Saet at Djanel Cheng sa setting duties.

Mapapalaban ng husto ang Red Spikers na nananatiling walang panalo sa 13 laro.

Pero hindi basta susuko ang Chef’s Classic na mamanduhan nina Justine Tiu, Nieza Viray at Jiezela Viray.

Sa kabilang banda, nais ng Motolite na mapatatag ang kapit sa No. 3 hawak ang 7-4 marka dahil gitgitan na ang labanan para sa nalalabing silya sa semis. Nakabuntot ang BanKo Perlas (7-5), Pacific Town-Army (6-4), Air Force (5-6) at Choco Mucho (5-6).

Una nang nasungkit ng Creamline ang unang silya sa semis matapos makalikom ng 11 sunod na panalo.

Magsasanib-puwersa sina dating MVP Myla Pablo, University of the Philippine standouts Isa Molde at Diana Carlos sa attack line kasama sina middle blockers Maristela Layug at Aie Gannaban, playmaker Iris Tolenada at libero Ayel Estranero para sa Power Builders.

Show comments