La Salle itinulak ang 3-way tie sa No. 4 spot
MANILA, Philippines — Binigo ng De La Salle Green Archers ang University of Santo Tomas Growling Tigers, 92-77 kahapon upang kumapit sa three-way tie sa pang-apat na puwesto sa penultimate day ng first round elimination ng Season 82 UAAP men’s basketball tournament sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Matapos ang masaklap na kabiguan sa nakaraang laro, lalong ipinakita ng Green Archers ang tibay sa endgame sa pangunguna ni Echo Serrano para makopo ang ikatlong panalo sa pitong laro (3-4) habang ang Growling Tigers ay bumaba sa 4-3 win-loss kartada.
Humataw si Serrano ng 29 puntos sa 13-of-22 shooting sa field goal, limang rebounds at dalawang assists. Si Aljun Melecio ay tumulong din ng 26 puntos habang 13 na may kasamang siyam na rebounds at dalawang assists naman mula sa Fil-Am na si Jamie Malonzo para sa Taft-based DLSU.
“We were due to win. The way the team has been practicing, it showed in today’s game,” sabi ni La Salle coach Gian Nazario.
Umabot sa pinakamalaking 17 puntos ang kalamangan ng DLSU, 88-71 sa dalawang sunod na triples ni Melecio mahigit 1:40 ang natitira sa laro.
Mula rito, lalo nilang hinigpitan ang depensa upang maiwasan muli ang masaklap na 71-72 talo sa UP Maroons noong Miyerkules.
Sa ibang laro, pinadapa naman ng Far Eastern University Tamaraws ang Adamson Soaring Falcons, 83-71 para masungkit ang ikatlong panalo at makisosyo sa three-way tie sa pang-apat na puwesto kasama ang kanilang biktimang Adamson at DLSU sa parehong 3-4 record.
- Latest