MANILA, Philippines — Asahan ang matinding bakbakan sa paglarga ng inaabangang duwelo ng F2 Logistics at Petron ngayong hapon sa pagpapatuloy ng 2019 Philippine Superliga Invitational Conference sa Ynares Sports Arena sa Pasig City.
Nakatakda ang engkuwentro ng Cargo Movers at Blaze Spikers sa alas-4 matapos ang salpukan ng Sta. Lucia at PLDT sa alas-2. Lalarga rin ang paluan ng Cignal at Foton sa alas-6 ng gabi.
Idaraos naman ang opening ceremonies sa alas-12 ng tanghali.
Galing ang F2 Logistics sa matagumpay na pagkopo sa All-Filipino Conference crown sa pangunguna ni Filipino-American spiker Kalei Mau na siyang itinanghal na MVP sa naturang kumperensiya.
Maliban kay Mau, kukuha rin ng lakas ang Cargo Movers kina Aby Maraño, Dawn Macandili, Kim Fajardo, Ara Galang, Kianna Dy at Majoy Baron na ginawaran ng Best Middle Blocker award sa first leg ng ASEAN Grand Prix sa Nakhon Ratchasima, Thailand.
Sa kabilang banda, nais ng Petron na makaresbak sa kumperensiyang ito matapos mahulog sa third place sa All-Filipino Conference.
Hindi maglalaro si Mika Reyes na nagpapagaling sa injury.