Lady Jet Spikers pinalakas ang tsansa sa semis

MANILA, Philippines — Patuloy ang matayog na lipad ng Philippine Air Force nang payukuin nito ang BanKo Perlas, 26-24, 25-8, 25-21 para lumakas ang kanilang tsansa sa semis ng 2019 Premier Volleyball League Open Conference kahapon sa The Arena sa San Juan City.

Nakakuha ng magandang momento ang Lady Jet Spikers sa come-from-behind win nito sa first set upang makuha ang ikalimang sunod na panalo para umangat sa 5-5 rekord.

Matamis na resbak din ito para sa Air Force na lumasap ng straight-set loss sa Perlas Spikers sa first round ng eliminasyon noong Agosto 17.

Nanguna sa mainit na atake ng Lady Jet Spi­kers si outside hitter Joy Cases na kumana ng 15 puntos tampok ang 14 attacks para pamunuan ang kanilang tropa na dugtungan ang winning streak.

Una nang tinalo ng Air Force ang Chef’s Classics, Choco Mucho, PacificTown Army at Motolite.

“Our hard work and training have been paying off. But we’re trying not to be pressured by our streak. We just play pressure-free, try to be more consistent and improve on our weaknesses,” ani Cases.

Nagdagdag naman si middle blocker Dell Palomata ng 14 markers mula sa 12 attacks at dalawang blocks habang naglista si Mary Ann Pantino ng 13 points at 12 digs.

“Hindi kami hihinto, dire-diretso pa rin kami. Padayon lang, tuluy-tuloy lang. Ibig sabihin ng padayon, Air Force padayon, dahil ‘yung commanding general namin is Bisaya, ibig sabihin ng padayon is tuluy-tuloy lang,” ani Air Force head coach Jasper Jimenez.

Nahulog ang Banko Perlas sa 6-4 baraha.

Malaking kawalan si middle blocker Kat Bersola na nagtamo ng ankle injury sa huling bahagi ng first set.

Show comments