MANILA, Philippines — Hindi naramdaman ng nagdedepensang Creamline ang pagkawala ng dalawang key players nito matapos ilampaso ang BaliPure, 25-11, 25-15, 25-17 upang manatiling malinis ang kanilang rekord sa Premier Volleyball League Open Conference kahapon sa The Arena sa San Juan City.
Hindi naglaro sina Alyssa Valdez na nagpapagaling sa injury at Jia Morado na kasalukuyang nasa training camp sa Thailand kasama ang national pool.
Ngunit hindi ito naging hadlang para makuha ng Cool Smashers ang ika-10 sunod na panalo dahil nag-step up sina reserve wing spiker Fille Cainglet-Cayetano at second setter Kyle Negrito.
Naging malaki ang kontribusyon nina Cainglet-Cayetano at Negrito para tulungan ang regular scorers na sina Jema Galanza, Risa Sato at Pau Soriano.
Nakalikom si Galanza ng kabuuang 16 markers mula sa 13 attacks, dalawang aces at isang block para sa Cool Smashers.
“Minsan nawawalan kami ng communication sa loob ng court. Sabi lang ng coaches namin mag-ingay lang kami sa loob. Kumukuha lang din ako ng lakas sa mga teammates ko. Tinatanong ko sila kung may mali, nakikinig ako sa sasabihin nila,” ani Galanza.
Dumating sa venue si Valdez para bigyan ng moral support ang kanyang mga katropa.
Sa unang laro, rumesbak ang Pacific Town–Army sa masaklap na kabiguan sa Philippine Air Force noong Sabado makaraang pasukuin nito ang Chef’s Classic, 25-11, 25-23, 25-17.