MANILA, Philippines — Humakot si Philippine Swimming League (PSL) ace tanker Marc Bryan Dula ng limang gintong medalya upang tanghaling Most Outstanding Swimmer (MOS) sa 2019 Pampanga Friendship Meet sa San Fernando City.
Nakalikom ang Masville National High School-Parañaque student ng 15 points para masiguro ang MOS award sa boys’ 12-year category.
Unang umariba si Dula sa 100m Individual Medley kung saan nagtala siya ng isang minuto at 9.91 segundo para angkinin ang kanyang unang ginto.
Agad itong sinundan ni Dula ng dalawang gintong medalya mula naman sa 50m butterfly mula sa 29.09 segundong naitala at 50m backstroke tangan ang 31.21 segundo para magarbong isara ang morning session.
Hindi nagpaawat si Dula sa afternoon session nang makuha pa ang dalawang ginto sa 50m breaststroke sa bilis na 36.36 segundo at 50m freestyle sa pamamagitan naman ng 27.28 segundo para makumpleto ang sweep sa lahat ng limang events.
“We are exposing him to different competitions to gauge his skills. It’s totally different competing against new faces that’s why we opted to join other tournaments to further improve his times,” ani PSL president Alexandre Papa na siyang humahawak sa training program ni Dula.
Naghahanda si Dula para sa iba’t ibang international competitions.