France 3rd place sa World Cup; USA pang-pito
MANILA, Philippines — Isang solidong second half ang inilatag ng France para pigilan ang Australia, 67-59, at makuha ang bronze medal sa 2019 FIBA World Cup kahapon sa Wukesong Arena sa Beijing, China.
Kumana si Nando De Colo ng 19 points, 3 assists, 2 rebounds at 2 steals at nag-ambag si Orlando Magic star Evan Fournier ng 16 markers at 5 boards para manduhan ang France.
Nagbigay din ng magandang kontribusyon sina Charlotte Hornets ace Nicolas Batum at Andrew Albicy na gumawa ng tig-siyam na puntos at Vincent Poirier ng Boston Celtics na nagdagdag ng walo.
Nagkasya sa ikaapat na puwesto ang Australia na nakakuha ng 17 markers mula kay Joe Ingles.
Nagawang makuha ng Australia ang 30-21 kalamangan sa pagtatapos ng first half.
Ngunit pumutok nang husto ang France sa second half matapos kumana ng 46 puntos kumpara sa 29 na nagawa ng Aussies.
Tumapos naman sa ikapitong puwesto ang Team USA – ang pinakamasamang pagtatapos sa nakalipas na mga dekada.
Winakasan ng Amerika ang kampanya hawak ang 6-2 baraha kabilang ang 84-74 pananaig sa Poland sa huling araw ng classification round.
Sa kabila ng masaklap na kampanya ay uuwi ang American team na nakataas ang noo.
- Latest